Sa umpisa ng Florante at Laura, matatagpuan natin si Florante (anak nina Duke Briseo at ni Prinsesa Floresca) na nakagapos sa puno ng higuera (Fig Tree) sa kagubatan sa labas ng Albanya. Napapaligiran siya ng dalawang leon, na handa nang dambahan si Florante.
Sa kabutihang palad, naglalakad din sa kagubatan si Aladin, isang Morong taga-Persya. Anak siya ni Sultan Ali-Adab. Nilisan niya ang kanyang sariling bayan, sapagkat inagaw sa kanya ng sariling ama si Flerida, ang kasintahan ni Aladin.
Narinig ni Aladin sa mga sigaw ni Florante ang mga kuwento ng mga kasamaang ginawa sa Albanya, ang pagpatay sa hari at ng mga ka-alyado nito, at ang di umano’y pagtataksil ni Laura (kasintahan ni Florante). Natagpuan ni Aladin si Florante, at pinatay niya ang mga leon bago pa nila nasaktan si Florante.
Tinulungan niya si Florante sa pagkagapos nito, ang magdamag niyang binantayan.
Ikinuwento ni Florante na pinadala siya sa Atenas nuong siya’y 11 taong gulang upang mag-aral. Duon niya nakilala ang kanyang kababayang si Adolfo, na siyang anak ni Conde Sileno. Si Adolfo ay hinahangaan ng kanyang mga guro, pati na rin ng sampu niyang kamag-aral, sapagkat si Adolfo ay mabait at napakatalino.
Subalit pagkaraan ng anim na taon, nahigitan ni Florante si Adolfo at duon lumabas ang tunay na kulay nito. Sa isang dula-dulaan, tinangka ni Adolfo na totohanang tagain si Florante. Mabuti na lang at niligtas si Florante ni Menandro, ang pamangkin ng gurong si Antenor. Kinabukasan, pinauwi si Adolfo sa Albanya.
Nanatili si Florante sa Atenas ng isa pang taon, nang makatanggap siya ng sulat mula sa kanyang ama. Ang balita ay pumanaw na raw ang ina ni Florante. Pagkaraan ng dalawa pang buwan, nakatanggap muli ng liham si Florante — pinapauwi na siya sa Albanya.
Nung pauwi na si Florante, humingi ng saklolo sa kanya ang hari ng Krotona, sapagkat ang kaharian nila ay sinasalakay ng hukbong Persiya, sa pamumuno ni Heneral Osmalik. Ipinakilala ni Duke Briseo si Florante kay Haring Linceo, at si Florante ay ginawang kumander ng hukbong Krotona.
Sa palasyo, nakilala ni Florante si Laura, ang napakagandang anak ni Haring Linceo. Bago siya sumali sa digmaan, ipinahayag ni Florante kay Laura ang kanyang saloobin.
Nagapi ni Florante si Heneral Osmalik sa loob ng limang oras. Nanatili naman si Florante sa Krotona ng limang buwan pa.
Dahil sa nais na niyang makapiling si Laura muli, bumalik si Florante sa Albanya. Nagtaka siyan nang madatnan niyang nagwawagayway ang bandilang Moro sa kanyang kaharian. Laking gulat na lang niya nang makita niyang pupugutan na ng ulo ang isang babae.
Kinalaban ni Florante ang hukbong Persya (sa pamumuno ni Aladin), at pinalaya niya ang kanyang bayan, pati na rin sina Haring Linceo, Duke Briseo, at Adolfo (na nakapiit nuon sa kulungan).
Sinalakay naman ni Miramolin ang Albanya, ngunit nabigo sila kay Florante. Pagkatapos ng labanan, 17 na hari ang sumuko kay Florante.
Siguro napagod si Florante, kaya nagbakasyon muna siya sa Etolia.
Isang araw, nakatanggap muli siya ng sulat mula sa hari — pinapabalik siya muli sa Albanya.
Pagbalik ni Florante sa kanyang kaharian, hinuli siya ng hukbong Albanya (30,000 ang bilang ng mga sundalo). Malamang kinakabahan sila gawa ng military record ni Florante, kung kaya’t medyo “overkill” ang paghuli sa kanya.
Ipiniit si Florante sa kulungan (utos ni Adolfo, na siyang pasimuno ng kudeta, at siya ring pumatay kay Haring Linceo at Duke Briseo habang malayo si Florante).
Pagkaraan ng 18 na araw, pinagapos si Florante sa puno duon sa gubat upang kainin siya ng mga mababangis na hayop. Masuwerte siya at kahit dalawang araw nang nakalilipas, hindi pa siya kinakain ng mga hayop. At higit na mapalad siya nang dumating si Aladin, sapagkat nagugutom pala ang leon kapag dalawang araw na silang hindi kumakain.
Habang nagkwekwentuhan si Florante at Aladin, nakarinig sila ng dalawang babaeng nag-uusap.
Unang Babae: “Nung narinig ko na pupugutan ang aking kasintahan, pumayag ako na magpakasal sa Sultan basta’t hindi na matutuloy ang parusang kamatayan. Buti na lang ang pinalaya ang mahal ko. Nung gabing iyon, nagsuot sundalo ako at tumakas ako. Ilang taon na rin akong pagala-gala bago kita natagpuan dito sa gubat.”
Ikinuwento naman ni Laura ang mga nangyari sa Albanya habang wala si Florante: Inagaw ni Adolfo ang trono, pinugutan ng ulo ang hari at ang mga ka-alyado nito. Sinabi rin ni Laura na sinubukan niyang padalhan ng liham si Florante para malaman niya ang mga kaganapan sa Albanya.
Sinabi rin niya na naghayag ng pag-ibig si Adolfo, at humingi si Laura ng 5 buwan upang pag-isipan ito. Dahil sa hindi makuha ni Adolfo ang puso ni Laura, pinagtangkaan na lang niyang gahasain ito… sa gubat. Makalipas ang dalawang araw lamang mula nung ipinagapos si Florante sa puno. Mga 20 araw lamang matapos na mahuli si Florante.
Hindi niya binigyan si Laura ng 5 buwan. Ni panugit na isang buwan.
Mabuti na lang at naglakad si Flerida sa gubat. Nakita niya si Adolfo, at dahil batid niya ang mga hangarin nito, ay pinana niya si Adolfo, at dahil batid niya ang mga hangarin nito, ay pinana niya si Adolfo haggang ito’y namatay.
Nagkita-kita ang apat na magkasintahan.
Natagpuan silang apat ni Menandro at ng hukbong naghahanap kay Adolfo. Laking tuwa na lamang nina Menandro nang matagpuan nilang buhay pa sina Florante at Laura.
Hindi nagtagal, nagpakasal si Florante at Laura, at sila’y naging hari at reyna ng Albanya. Nagpabinyag naman sina Aladin at Flerida, nagpakasal din, at bumalik sa Persya upang mamuno sa kanilang kaharian.
At iyan ang buod ng Florante at Laura.